Pamagat: Lagablab ng Isang Yagit
May-akda: Benigno R. Juan
Mga Tauhan: Kulas – karpintero
Hule – asawa
Pidong – anak ni Kulas
Doktor Roman Roque de Gracia
Pinangyarihan: Sa isang maliit na bayan
Buod:
Isang karpintero si Kulas, mataas ang pagpapahalaga sa trabaho. Walang mataas na ambisyon sa buhay maliban sa maigapang ang pagpapaaral ng mga anak. Isa siyang tipikal na manggagawang Pilipino. Kahit hindi palaging nagsisimba dahil sa trabaho, kahit papaano malaki ang paniniwala niya sa Diyos at bago gumawa, nagdarasal siya ng maikling panalangin.
Minsa’y naging isa siya sa mga karpintero na nagpatayo sa isang klinika ni Dr. Ramon Roque de Gracia. Mataas ang tingin sa kanya ni Kulas at pinagtatanggol kung pinipintasan na mapagmataas sa minsang pagpuna ni Hule. Sa di-inaasahan, dumating ang isang anak ni Kulas na si Pidong na namimilipit sa sakit ng tiyan. Naisipan niyang itakbo ito sa klinika ni Dr. de Gracia. Ngunit hindi siya tinanggap dahil kailangan muna ng paunang bayad na wala naman si Kulas ni kusing. Matagal siyang nakiusap ngunit tumigas ang puso ng Doktor, dinala niya ang bata sa bayan, at napag-alamang putok na pala ang apendisitis ng anak. Pinaglalamayan ang bangkay ng anak. Di siya mapalagay, tinungo niya ang simbahan at nanalangin, tumuloy siya sa isang gasolinahan at tinungo ang klinika ng doktor upang sunugin.
Aral na Napulot:
Ang mga doktor, nars, at lahat ng naglilingkod sa larangan ng medisina ay mga sinumpaang hindi mamimili ng taong gagamutin o tutulungan batay sa kulay, kultura, lahi, kasarian, at antas ng pamumuhay. Sa kwento, ang bata ay hindi tinanggap sa klinika dahil walang paunang bayad. May mga batas nang nagbabawal sa ganitong polesiya ng mga klinika at ospital. Gayun pa man, marami pa ring taong higit na iniisip ang halaga ng pera kaysa ang halaga ng buhay. Namatay ang bata dahil napagkaitan ng karapatang magamot dahil sa kahirapan.
Si Kulas ay nagluluksa sa pagkamatay ng anak, at hindi rin niya matanggap na ang doktor na kanyang tinitingala at iginagalang ang nagkait ng lunas sa kanyang anak na siyang ikinamatay nito. Bagama’t hindi pala-simba si Kulas ay nagdarasal pa rin siya. Ngunit sa panahong nagtungo siya sa klinika ng doctor upang sunugin iyon ay nawalan na siya ng pananampalataya sa Diyos. Siya’y nabulagan na ng paghihinagpis at matinding galit. Sa buhay natin, sa anumang pagsubok na ating kakaharapin, huwag tayong gagawa ng mararahas na hakbang upang maghiganti. Hindi dahil pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang mga bagay-bagay ay ibig sabihin ito’y kalooban Niya. Sa kabila ng sakit at pagsubok, kumapit tayo sa ating pananampalataya.
No comments:
Post a Comment