Nagkaroon ng malubhang pagpapatalo ang magkapatid na Doming at Elmo. Naghiwalay silang parehong galit sa isa’t isa. Para hindi na sila magkita, pinahukay ni Doming ang lupa sa pagitan ng kanilang mga bahay. Malalim ang hukay. Nang umulan nang malakas ay napuno iyon ng tubig. Naging maliit na iloy ang hukay kaya hindi na makakadaan doon ang magkapatid.
Naisipan naman ni Elmo na magpagawa ng mataas na bakod sa gitna ng ilog. Sa gayon ay hindi na niya makikita pa ang kapatid dahil mataas ang bakod. Hindi na rin niya makikita pa ang bahay ito. Galit talaga siya sa kapatid niya. Nag-iwan siya ng malaking halaga sa gagawa ng bakod at siya ay nangibang-bayan sa loob ng isang buwan. Inaasahan niyang tapos na ang bakod pagbalik niya.
Pagkaraan ng isang buwan ay nagbalik si Elmo. Wala siyang nakitang bakod. Ang naroon sa gitna ng ilog ay isang mahabang tulay. Ang tulay ay nagdudurugtong sa kanyang bahay at sa bahay ng kapatid na si Doming. Nang umakyat siya sa tulay ay nakita niyang naroroon sa kabilang dulo si Doming. Napahakbang siya, gayundin si Doming. Nagkasalubong sila sa gitna ng tulay.
“ Kuya, nahihiya ako sa inyo,” ani Doming. “ Pinahukay ko ang lupa sa pagitan natin para maging ilog at nang hindi na tayo magkita. Ikaw naman ay nagpagawa ng tulay para tayo magkasang muli.”
Hindi na nakasagot si Elmo. Naluluhang niyakap niya ang kapatid. Lihim na pinasalamatan ni Elmo ang binayaran niyang manggagawa. Dahil hindi bakod ang ginawa nito kundi tulay. Tulay ng pagkakasundo.
No comments:
Post a Comment