Search This Blog

Friday, February 18, 2011

Ang Alamat ng Makopa

Pamagat:                   Ang Alamat ng Makopa

May-Akda:                Gemma R. Castañeda

Mga Tauhan:            Mga Mamamayan sa Bayan

Pinangyarihan:        Isang bayan na malapit sa bundok

Buod:

            Noong unang panahon ay may isang bayan na malapit sa bundok na halos napapaligiran ng malapulong gubat.  Ang mga mamamayan dito ay maligaya at sagana sa kanilang pamumuhay.  Sa mga bukirin ay may mga masaganang ani, na siyang ikinabubuhay ng bawat taong naninirahan doon.
           
            Ang kanilang simbahan ay may mataas na kampanaryo na may isang kampanang ginto na may napapaloob na hiwaga at ang paniniwala nila’y doon nanggagaling ang biyayang tinatamasa at buo ang tunog.  Kapag naririnig nila ang tunog nito, ang bawat tao’y sapilitang mapapaluhod at taimtim na nagdarasal at nagpapasalamat dahil sa biyaya nilang tinatanggap.

            May mga tao naman na masama ang kanilang hangarin sa kampanang ginto.  Nais nilang nakawin ito at ipatunaw dahil sa malaki ang halaga nito.  Isang araw, nagimbal ang buong bayan dahil nawawala ang kampanang ginto.  Ito raw ay ninakaw at hindi nila alam kung saan itinago.  Nalungkot ang mga tao pagkat hindi na nila maririnig ang tunog ng kampana na nagbibigay sa kanila ng suwerte sa pamumuhay.  Lumipas ang maraming buwan, ang kampana ay tuluyan ng nawala at hindi na makita.  Ang bayan ay nabalot ng kalungkutan at ang mga tao ay nakalimot na sa kanilang pagdarasal at wala ng pumupunta sa simbahan.

            Isang umaga, maraming tao ang nagulat sa isang punong-kahoy na tumubo sa tabi ng kumbento.  Ito’y punong-puno ng bunga na hugis kampana.  May matandang nagsabi sa kanila na ang puno ay palatandaan lamang na wari’y doon nakalibing ang kampanang ginto at ito’y dapat nilang hukayin.  Hinukay ng mga lalaki ang puno at kanilang nakita ang kampanang ginto.  Laking tuwa ng mga tao at lahat sila’y nagtungo sa simbahan para magpasalamat sa pagkakabalik ng kanilang kampana.  Makailang sandal ay naibalik na ito sa dating kinalalagyan at narinig na nila ang tunog nito na tanda ng kasiyahan at katahimikan ng buong bayan.

            Ang puno ay patuloy pa rin sa pagbibigay ng bunga na kawangki ng kopa at ito’y tinawag nang makopa.

Aral na Napulot:
           
            Ayon sa Sampung Utos ng Diyos, huwag magnakaw.  Ang masasamang hangarin ay naglipana dahil sa hirap ng buhay sa panahon natin sa kasalukuyan.  Ngunit ito’y hindi mangangahulugang ang pagnanakaw ay siyang lulutas sa kahirapan.  Ang mabuhay nang may marangal na hanapbuhay kahit minsan ay salat ay higit na mabuti kaysa ang mabuhay nang marangya ngunit mula naman sa pagnanakaw.

No comments:

Post a Comment